Muling nananawagan si House Speaker Martin Romualdez sa China na itigil na nito ang kanilang mga agresibong aktibidad at napaka delikadong aksiyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ni Speaker ang pahayag,kasunod ng mga ulat kaugnay sa ginagawa ng China Coast na kinukuha ang mga pagkain at mga supplies na ini-airdropped ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mga sundalong naka station sa BRP Sierra Madre na siyang simbolo ng Philippine sovereignty sa Ayungin Shoal sa WPS.
Una ng binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, sa Shangri-La Dialogue 2024 na hindi nito i-give-up kahit isang pulgada ng teritoryo sa bansa.
Sinabi ng Pangulo na hindi gaganda ang relasyon ng Pilipinas at China kapag hindi tumigil ang Beijing sa kanilang mga agresibong aksiyon sa pinag-aagawang teritoryo sa West Phil. Sea.
Binigyang-diin naman ni Speaker Romualdez na hindi dapat ang isyu sa West Philippine Sea ang magde-define sa relasyon ng Pilipinas at China.
Ayon sa lider ng Kamara mas marami pang bahagi ng relasyon, pero ito mga agresibong aksiyon ng China lalong nagbibigay ng tensiyon at lumalala ang relasyon.
Ipinunto ni Speaker na hindi basta- basta na lamang papayag ang Pilipinas na ganyan ang ginagawang pagtrato ng China dahil maninindigan ang Pilipinas sa polisiya ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.