Naalarma si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa tumitinding agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Mariing kinondena din ni Speaker ang insidente.
Ito na ang ikalawang beses sa loob ng isang linggo na hinaras ng China ang sasakyang pandagat ng Pilipinas at mga tauhan nito sa loob ng teritoryo ng bansa.
Noong Agosto 19, binangga ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) ang dalawang sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard.
Nagsasagawa naman ng resupply mission ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga mangingisda sa Hasa-Hasa Shoal, na 60 nautical mile ang layo sa Rizal Palawan at Escoda Shoal na may 100 nautical mile ang layo sa bayan ng Rizal ng ito ay harasin ng sasakyang pandagat ng CCG.
Iginiit ni Speaker Romualdez na ang dalawang shoal ay mahigit 1,000 milya ang layo sa China.
Muling umapela ang lider ng Kamara de Representantes, na binubuo ng mahigit 300 kinatawan, sa China na irespeto ang teritoryo ng Pilipinas, sumunod sa international law na nilagdaan nitong susundin, at itigil ang lahat ng uri ng agresibong aksyon nito.
Sinabi ni Speaker Romualdez na dapat susugan ng Beijing ang pagsasagawa ng konsultasyon at dayalogo upang maresolba ang mga hindi pagkaka-unawaan sa halip na gumamit ng dahas at agresyon.
Muling iginiit ni Speaker Romualdez na ang gobyerno, sa ilalim ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ay nakatuon sa pagtataguyod ng dignidad, integridad ng teritoryo, at soberanya ng bansa.