-- Advertisements --

Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez nitong Huwebes ang isang Christmas event kasama ang mga batang pasyente at kanilang pamilya at isang People’s Day sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Quezon City.

Nagsama sa “Paskong Tarabangan Event” sina Speaker Romualdez, ang misis nitong si Tingog Rep. Yedda Marie Romualdez, at Ako Bicol Rep. Elizaldy Co. Ang Ako Bicol partylist ang host ng event.

Sinabi ni Speaker isa ito sa kaniyang paboritong aktibidad bilang isang mambabatas na mapasaya ang mga batang may sakit.

“Bukod sa paghahanda ng isang pagdiriwang para sa mga bata at kanilang pamilya, mag-aabot din tayo ng tulong pinansyal sa mga naka-confine dito sa PCMC at dadalaw din tayo sa children’s ward para mamigay ng regalo. Iparamdam natin ang Pasko dito sa PCMC,” ayon kay Speaker Romualdez.

Nasa 130 bata ang nakisaya sa Christmas party na sinundan ng People’s Day ng Ako Bicol partylist kung saan namigay ng guarantee letter para sa matulungan sa pagpapagamot ang mga pasyente.

Binisita rin ng mga mambabatas ang mga batang pasyente sa mga ward at binigyan ng regalo ang mga ito.

Bukod sa mga regalo, sinabi ni Speaker Romualdez na ang mga pasyenteng inimbita sa event ay makikinabang sa zero billing na ikinatuwa ng mga nasa ward at mga magulang.

Sinabi ni Rep. Yedda na walang mapaglagyan ang kanyang kasiyahan ng makita ang ngiti ng mga bata.

“There is nothing more pure and sincere than a child’s genuine happiness and Christmas spirit. I am very pleased to be a part of this event. Bilang isang ina napakahirap makita ang ating mga anak na maysakit. Sana sa aming pagdalaw ay nakapagdala kami ng kaunting pag-asa at maibsan ang pinagdadaanan ng ating mga anak. Dasal ko po na sana ay gumaling na sila,” pahayag ni Rep. Yedda.

Sinilip din ng mga mambabatas ang itinatayong Philippine Cancer Center sa loob ng Blood Bank Complex, gayundin ang Mega Hemodialysis Legacy Building ng National Kidney and Transplant Institute, na kapwa nasa Quezon City.

Isinulong ng Kamara de Representantes na mapondohan ang pagtatayo ng mga nabanggit na pasilidad.