Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez sa mga Pilipino na magkaisa sa pagtatanggol sa bansa laban sa mga nagtatangkang manghimasok dito.
Sa kanyang mensahe ngayong Araw ng Kagitingan, sinabi ni Romualdez na ito ang tamang pagkakataon upang pagnilayan ang naging katapangan ng mga ninuno na ipinaglaban ang kalayaan mula sa pinakamadilim na yugto ng kasaysayan.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang pagprotekta sa soberanya at teritoryo ng bansa ay hindi lamang isang “historical obligation” kundi isang responsibilidad na nangangailangan ng pagmamatyag at di matatawarang commitment.
Ipinunto ng House Leader na sa panahon na humaharap ang mundo sa geopolitical complexities at territorial disputes ay marapat na manindigan sa pagprotekta sa teritoryo ng bansa at igiit ang pagsunod sa international law.
Sinabi ni Speaker na ang ipinamalas na sakripisyo ng ating mga bayani na nakaranas ng mabibigat na hamon ay patunay aniya ng lakas ng Pilipino.
Dagdag pa ni Romualdez, dapat pagtibayin ang ating soberanya sa kalupaan, karagatan at maging sa himpapawid at huwag hayaang manaig ang pang-aapi ng sinuman.
Samantala, bukod sa territorial integrity ay naniniwala rin si Romualdez na napapanahong kilalanin ang paglaban sa di pagkakapantay-pantay, gutom at kahirapan.