Ipinaabot ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mainit at taos-pusong pagbati nito sa Muslim community sa pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadan, kasabay ng pagbibigay diin nito sa pananampalataya, pagkakaisa, at malasakit bilang gabay para sa lahat ng Pilipino.
Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng Ramadan bilang panahon ng taimtim na pagninilay, panalangin, at pagtitimpi mga gawi na nagpapatibay ng pananampalataya at nagpapalakas ng pagkakaisa ng mga pamayanan.
Kinilala rin ng lider ng Kamara ang matibay na debosyon at dedikasyon ng mga Pilipinong Muslim sa panahong ito ng pananampalataya.
Nanawagan si Speaker Romualdez sa lahat ng Pilipino na isabuhay ang mahahalagang aral ng Ramadan pananampalataya, di makasariling pag-aalay, at pagdamay sa kapwa dahil ang mga birtud na ito ay makakatulong sa pagbuo ng isang mas mahabagin at makatarungang lipunan.
Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez na ang kahalagahan ng pagiging bukas-palad hindi lamang sa materyal na pagbibigay kundi pati sa pagtitimpi, pang-unawa, at kabaitan sa kapwa.
Sa panahong may mga hamon sa pagkakaisa ng bansa, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan ng pagpili sa kapayapaan at pagkakasundo, na pinaghuhugutan inspirasyon mula sa paninindigan ng komunidad ng mga Muslim sa mga pagpapahalagang ito tuwing Ramadan.
Hinikayat ni Speaker Romualdez ang lahat ng Pilipino na gawing pagkakataon ang Ramadan upang magbuklod at pagtibayin ang kanilang pinagsasaluhang pagpapahalaga sa kapayapaan, katarungan, at pananampalataya.
Bilang pagtatapos ng kanyang mensahe, ipinaabot ng pinuno ng Mababang Kapulungan ang kanyang taos-pusong pagbati sa komunidad ng mga Muslim.