Isinulong ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ngayong Sabado ang pagkakaroon ng mas malapit na pagtutulungan at matibay na alyansa ng mga bansa sa Asya-Pasipiko upang epektibong matugunan ang mga hamong kinakaharap ng rehiyon.
Si Speaker Romualdez, ang lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro ang nagbigay ng pangwakas na pananalita sa ika-31 Asia Pacific Parliamentary Forum.
Binigyan-diin din ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng mga resolusyon na binuo, pinag-usapan, at napagkasunduan sa isinagawang forum.
Bagamat ang mga miyembro ng APPF ay mayroong magkakaibang pananaw dahil nanggaling ang mga ito sa iba’t ibang bansa, sinabi ni Speaker Romualdez na ang katotohanan ay mas matimbang dito ang mga bagay na maaaring pagkasunduan at sama-samang itataguyod.
Sinabi ng lider ng Kamara na isang karangalan para sa Pilipinas ang pag-host sa ika-31 Forum.
Ayon kay Speaker Romualdez ang pag-host ng Pilipinas ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga delegado nito upang isulong ang pagnanais ng bansa na maging miyembro ng United Nations Council, ang pag-amyenda sa APPF rules upang maisama sa taunang pagtitipon ang mga young parliamentarian, at ang pagkakaroon ng headquarters ng APPF secretariat sa Pilipinas.
Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga lumahok dahil kanilang ikinonsidera ang mga inisyatiba ng Pilipinas.
Sinabi nito na hindi magiging matagumpay ang Forum kung hindi dapat sa aktibong partisipasyon ng mga kalahok.
Mayroong 267 kalahok kasama ang 158 miyembro ng parliyamento ng 19 na bansa na dumalo sa Forum. Mayroong 37 resolusyon na pinagsama-sama at naging 10 resolusyon na pinagtibay sa pagpupulong.
Sa pagsasara ng Forum, muling iginiit ni Speaker Romualdez ang pagsuporta ng Pilipinas sa mga aktibidad ng APPF sa rehiyon.
Pinasalamatan din ni Speaker Romualdez ang kanyang co-chairman na si Senate President Juan Miguel Zubiri, at ang forum secretariat na binubuo ng mga empleyado ng Senado at Kamara sa kanilang masigasig na pagtatrabaho upang maging matagumpay ang Forum.
Hiling ni Speaker Romualdez ang ligtas na pagbiyahe ng mga lumahok sa kani-kanilang mga bansa at nagpahayag ng pagnanais na muling makita ang mga ito sa nalalapit na hinaharap.