Nananawagan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang 67 milyong botanteng Pilipino na maging mapanuri at mapagbantay sa pagpili sa mga ibobotong kandidato sa 2025 mid-term elections, upang maiwasan na muling makapagluklok muli ng isang “Alice Guo.”
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa gitna ng patuloy na pagtanggap ng Commission on Elections (Comelec) ng certificates of candidacy ng mga tatakbo sa paparating na halalan.
Ayon sa Speaker ang kaso ng sinibak na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo ay dapat magsilbing paalala sa mga botante na maging mapanuri at mapagbantay upang hindi na ito maulit. Si Guo ay isa umanong Chinese national na gumamit ng mga pekeng dokumento upang palabasin na siya ay isang Pilipino at maluklok sa puwesto.
Umapela rin si Speaker Romualdez sa Comelec sa pinamumunuan ni Chairman George Garcia na kahit na ang pagproseso ng mga certificate of candidacy (COCs) ay maituturing na “ministerial in nature”, mahalaga pa rin na matiyak ng tanggapan na mapangalagaan ang integridad ng proseso ng halalan.
“Please get to know the candidates, verify their qualifications, and proactively question any doubts that may arise. We all share the responsibility of safeguarding our democracy, and by working together, we can prevent any recurrence of past issues,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.