Hinikayat ni House Speaker Martin Romualdez ang mga Pilipino na matapang na ipagmalaki at iwagayway ang watawat ng Pilipinas sa harap ng nararanasang pambu-bully at pananakot.
Sa kanyang mensahe sa paggunita ng National Flag Day, sinabi ni Romualdez na hindi dapat magpatinag sa kabila ng mga hamon at panggigipit mula sa “outside forces”.
Ang watawat ay simbolo aniya ng soberanya at pagkakaisa at anumang maranasang pambu-bully mula sa mga dayuhan ay dapat na manindigan at ibandera ang watawat nang may dangal.
Paliwanag ng Speaker, paalala ito na may kakayahan ang bansa sa pamamagitan ng sama-samang pagpapakita ng tapang tulad ng mga ninuno.
Nanawagan din ito sa mamamayan na panibaguhin ang commitment sa bansa at ituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng pag-ibig sa bayan at ang watawat.
Dagdag pa ni Romualdez, maliban sa simbolo ay sumasalamin din ang watawat ng Pilipinas sa kasaysayan, paghihirap at tagumpay kaya marapat na alalahanin ang di mabilang na mga Pilipinong lumaban para sa kalayaan at soberanya.