-- Advertisements --

Sa opisyal na pagsisimula ng kampanya nuong Biyernes, March 28,2025, pina-alalahan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga kaalyado at kandidato na nasa ilalim ng Lakas-CMD na magka-isa at manalangin para a isang malinis at matagumpay na pangangampanya.

“Sa lahat ng kasama nating kandidato sa Lakas-CMD – mga kapartido, kaalyado at kaisa sa serbisyo – panahon na para muling ipakita sa taumbayan ang klase ng lideratong tapat, subok at may puso. Tuloy ang ating serbisyo. May God bless our campaign,” ani Speaker Romualdez.

Walang kalaban si Speaker Romualdez sa kanyang reelection bid. Tiniyak nito sa kanyang mga ka-distrito na kanyang ipagpapatuloy ang paglilingkod sa Leyte nang may parehong dedikasyon at mas higit pang pagsisikap at mas pahuhusayin pa ang mga programa sa darating na mga taon.

Kasabay nito, hinimok niya ang kanyang mga kapwa kandidato ng Lakas-CMD sa buong bansa na iparating sa bawat komunidad ng mga Pilipino ang mensahe ng kanilang serbisyo at mga nagawa, dahil ang kanilang misyon ay lampas sa pulitikal na tagumpay.

“Sa ating kampanya, proven na hindi salita ang puhunan kundi gawa. Mga proyektong ramdam sa bawat barangay, sa bawat pamayanan, sa bawat pamilya,” ani Speaker Romualdez.

Buong kumpiyansa rin si Speaker Romualdez sa tagumpay ng senatorial slate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas at nangakong magbibigay ng solidong suporta para sa kanilang panalo, hindi lamang sa Leyte kundi sa buong Rehiyon 8.

Batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Anna Capella Velasco, Executive Director ng Lakas-CMD, na may kabuuang 6,118 kandidato ang tumatakbo sa ilalim ng dominanteng partido para sa halalan sa 2025.

Sa bilang na ito, sinabi ni Velasco na 1,375 ang kababaihan at 4,743 ang kalalakihan – patunay ng malawak at inklusibong saklaw ng Lakas-CMD sa buong bansa.

Binigyang-diin din ni Velasco na 27 sa mga kandidato ng partido sa Kongreso ang tumatakbo nang walang kalaban, isang indikasyon ng malakas na kumpiyansa ng taumbayan sa kanilang pagganap at koneksyon sa publiko.

Hinikayat din niya ang lahat ng kandidato ng Lakas-CMD na ituon ang kanilang kampanya sa malinis at positibong pangangampanya, at ipokus ang kanilang mensahe sa serbisyo at nagawa, hindi sa personalidad.

Nag-alay din si Speaker Romualdez ng panalangin para sa magkaroon ng lakas at pagkakaisa, at maging patas ang pangangampanya sa buong eleksyon, at ipinaalala sa kanyang mga kaalyado na ang kanilang pinakamalakas na sandata ay ang kanilang sama-samang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.

“May God bless our campaign. Magkaisa tayo, magtulungan, at manatiling tapat sa ating layunin – ang pagsilbihan ang ating mga kababayan sa abot ng ating makakaya. Sa Lakas-CMD, tuloy-tuloy ang serbisyong may puso,”wika ni Speaker Romualdez.