Nakipagpulong si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kay Cambodian Prime Minister Hun Manet ngayong Lunes upang itaguyod ang pagpapalakas ng kooperasyon ng dalawang bansa sa kalakalan ng bigas, turismo, seguridad, at depensa.
Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na matiyak na matatag ang suplay ng bigas at abot-kaya ang presyo nito lalo na at ang Pilipinas ay madalas tamaan ng bagyo at iba pang problema na dulot ng pababago-bagong klima na nakakaapekto sa sektor ng agrikultura.
Bago tumulak patungong Cambodia, pinangunahan ni Speaker Romualdez ang pinagsamang pagsisikap ng Kamara de Representantes at ng Department of Social Welfare and Development, sa paglulungsad ng “Tabang Bikol, Tindog Oragon”, kung saan 24 na trak ng mga relief goods at P750 milyong halaga ng financial aid ang ipamamahagi sa mga biktima ng bagyo sa Bicol region.
Binanggit niya na kahit tumataas ang lokal na produksyon ng bigas, kinakailangan pa rin ng Pilipinas na mag-angkat upang mapanatili ang matatag ang suplay. Pangunahing umaangkat ang bansa sa Vietnam at Thailand.
Sa nakaraang bilateral meeting sa pagitan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Cambodian Prime Minister Hun Manet sa sidelines ng ASEAN-Australia Special Summit sa Melbourne noong Marso 2024, binanggit ni Speaker Romualdez na nagkasundo ang dalawang bansa na palakasin ang kalakalan ng bigas sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia, at ang mga patuloy na pagsisikap na tugunan ang isyu ng double taxation at mapadali ang mga proseso sa negosyo.
Ipinaabot din ni Speaker Romualdez ang pasasalamat sa pagpapahalaga ng Cambodia sa pagpapalawak ng import at export market, at ibinahagi kay PM Hun Manet ang kanyang mga inaasahan para sa isang matagumpay na pagbisita sa Phnom Penh ng trade at investment mission ng Pilipinas na nakatakdang ganapin sa Enero 2025.
Bukod sa kalakalan ng bigas, tinalakay din nina Speaker Romualdez at Prime Minister Hun Manet ang pagpapalago sa turismo at people-to-people exchanges.
Sa mga usapin ng seguridad at depensa, muling pinagtibay nina Speaker Romualdez at Prime Minister Hun Manet ang kanilang pangakong pagtutulungan sa mga isyung nakakaapekto sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang kanyang pagbisita ay isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas at Cambodia, at ipinahayag din niya ang kanyang pag-asa sa patuloy na pag-unlad ng ugnayan ng dalawang bansa.
“As close neighbors and ASEAN partners, the Philippines and Cambodia share a mutual aspiration for growth and security. By working together, we can unlock new opportunities and create a better future for our peoples,” ayon pa kay Speaker Romualdez.