Pangungunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mataas na presyo ng bilihin sa kabila ng pagiging mababa ng farm gate price, sa pagbubukas ng sesyon sa darating na April 29,2024.
Ito ang sinabi ni Speaker Romualdez matapos ang pakikipagpulong nito at ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa mga kinatawan ng producer, retailer, at grocery stores noong Martes kaugnay ng mataas na presyo ng bilihin.
Ayon kay Speaker kaniyang hihilingin kay Rep. Mark Enverga, Chairman ng Committee on Agriculture na pangunahan ang imbestigasyon in-aid of legislation.
Sa pagpupulong, sinabi ni Jayson Cainglet, ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ang farm gate price ng bigas, manok, baboy, at maging sibuyas ay hindi gumalaw sa nakalipas na tatlong buwan kaya wala dapat naging malaking pagtaas sa presyo.
Nangako si Speaker Romualdez na gagamitin ng Kamara ang oversight function nito upang masilip ang isyu at makagawa ng batas kung kinakailangan para mas maprotektahan ang mga mamimili laban sa mga mapagsamantala.
Nanawagan ang lider ng Kamara sa mga stakeholder na makilahok sa mga diskusyon upang makagawa ng angkop na polisiya at mapababa ang presyo ng mga bilihin.
Samantala, tiniyak ni Speaker Romualdez na suportado ng Kamara ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga bulnerableng sektor ng lipunan sa mataas na presyo ng bilihin.
Tinukoy ni Speaker Romualdez ang mga programa gaya ng Cash and Rice Assistance (CARD) program— isang joint initiative ng Kamara at Department of Social Welfare and Development para mabigyan ng bigas at perang pambili ng pagkain ang mga mahihirap na pamilya.
Binanggit din ni Speaker Romualdez ang Assistance to Individuals in Crisis (AICS) Program ng DSWD, na nagbibigay ng medical assistance, burial, transportation, education, food, o financial assistance upang maibsan ang krisis na nararanasan ng isang pamilya; gayundin ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) para matulungan ang mga “near poor” na bahagi ng lipunan at maiwasan na sila ay bumalik sa ibaba ng poverty line.