Pinakakasuhan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Bureau of Customs (BoC) ang mga rice smuggler, kasama ang kanilang mga kasabwat sa pagpuslit ng libu-libong sako ng bigas na iligal na ipinasok sa mga pantalan sa Mindanao.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang apela kasabay ng paghahayag ito ng suporta sa naging desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipamigay ang mga nasabat na smuggled na bigas sa libong residente ng Zamboanga peninsula.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos kasama ang ilan pang opisyal ng gobyerno sa pamimigay ng bigas noong Martes.
Ipinunto ni Speaker Romualdez na hangga’t hindi naparurusahan o nakukulong ang mga nasa likod ng smuggling ay magpapatuloy ang iligal na gawain ng mga ito kahit pa nakumpiska ng gobyerno ang kanilang mga naipuslit.
Bilang kinatawan ng publiko, sinabi ni Speaker Romualdez na trabaho ng mga mambabatas na tiyakin na mayroong sapat na suplay ng kanilang pangunahing pangangailangan na abot-kaya ang halaga.
Ayon kay Port of Zamboanga District Collector Arthur Sevilla ang ipinamigay na bigas ng Pangulo ay bahagi ng 42,180 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P44 milyon na nakumpiska ng BOC noong Mayo.
Sinabi ni Sevilla na ang pagkumpiska at pamimigay ng nakumpiskang bigas ay dokumentado.