Agad na pinakikilos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang mga kasamahan sa Kamara de Representantes upang matulungan ang libu-libong mangingisda sa iba’t ibang lalawigan na apektado ng oil spill alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tulungan ang mga nangangailangan.
Binigyang-diin ni Romualdez na hindi na dapat hintayin na humingi pa ng tulong ang mga mangingisda dapat gobyerno na ang lalapit sa mga ito.
Hiniling ni Speaker Romualdez sa kanyang mga kasamahan na makipag-ugnayan sa mga apektadong komunidad sa Bataan, Pampanga, Bulacan, at Cavite upang makapagbigay ng kaukulang tulong.
Pinatitignan din ni Speaker Romualdez sa kanyang mga kasamahan, sa tulong ng mga lokla na pamahalaan, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Coast Guard at iba pang kaukulang ahensya, upang matukoy ang lawak ng pinsala ng oil spill.
Ayon sa ulat, tumatagas na ang industrial fuel at diesel mula sa dalawnag sasakyang pandagat na lumubog sa Bataan at Manila Bay area noong nakaraang linggo. Isa sa mga sasakyan— ang MT Terra Nova ay may dalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel.
Tinatangka ng otoridad na pigilan ang oil spill.
Kasama sa mga apektado ang 11,000 mangingisda sa Bulacan na may kabuuang buwanang kita na P83 milyon; 8,000 sa Bataan na kumikita ng P63 milyon kada buwan, at libu-libong mangingisda sa Pampanga at Cavite.
Sa Cavite, nagbabala ang mga lokal na opisyal sa mga residente kaugnay ng pagkalat ng langis sa kanilang lugar.
Sa pagtataya ng Marine Science Institute ng University of the Philippines aabot ang oil spill sa Bulacan at Cavite.
Ayon naman sa Philippine Space Agency aabot sa 93.74 kilometro kuwadrado ang pagkalat ng langis sa Manila Bay.