-- Advertisements --

Pinamamadali ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagpapalabas ng P40 milyong halaga ng tulong para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.

Ito alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at bukod pa sa P4 milyong halaga ng food packs mula sa Disaster Assistance Fund ni Speaker Romualdez. 

Nakipag-ugnayan na si Speaker Romualdez sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) upang maglaan ng tig-P20 milyon mula sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD). 

Ayon kay Speaker Romualdez ang mga apektadong residente mula sa unang distrito ng Negros Oriental na kinakatawan ni Rep. Jocelyn Limkaichong at ikaapat na distrito ng Negros Occidental na kinakatawan ni Rep. Juliet Marie de Leon-Ferrer ay tatanggap ng tig-P10 milyon mula sa AKAP at TUPAD. 

Layunin ng ayuda na mabawasan ang paghihirap ng mga apektadong residente na napinsala ang kabuhayan at trabaho sa pagsabog ng bulkan. 

Bukod pa rito, may P4 milyong halaga ng food packs na inilaan ang tanggapan ni Speaker Romualdez para sa dalawang apektadong distrito na mula sa kaniyang Disaster Assistance Fund. 

Binigyan diin ni Speaker Romualdez ang ginagawang pagsusumikap ng pamahalaan ni Pangulong Marcos upang mabilis na maihatid ang kinakailangang tulong sa mga apektadong mamamayan. 

Tumagal ang pagsabog ng may anim na minuto, na sinundan ng malakas na lindol. Iniulat din nga mga residente ang pagkakaroon ng ashfall at matinding amoy ng sulfur.