-- Advertisements --

Pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang inagurasyon ng phase 1 ng Bagong Bayaning Mandirigma Casualty and Cancer Care Center sa V. Luna Medical Center.

Kasabay nito binista rin nito ang mga sugatang sundalo sa nasabing pagamutan.

Binigyang pagkilala ni Speaker Romualdez ang pagpapahalaga sa mga sakripisyong ginawa ng mga kasapi ng Armed Forces, lalo na ang mga sugatan habang tintutupad ang kanilang tungkulin.”

Siniguro ni Speaker sa mga sundalo, na ang kanilang kapakanan ay nananatiling priyoridad at patuloy silang susuportahan ng gobyerno pati na rin ang kanilang mga pamilya.

Ipinaabot din ni Speaker Romualdez ang kanyang mga pagbati para sa mabilis na paggaling ng mga sundalo at pinaalalahanan sila na ang kanilang tapang at mga sakripisyo ay hindi kailanman malilimutan.

Pinasaya din ni Speaker Romualdez ang Pasko ng 29 na sundalo ng bigyan niya ang mga ito ng tulong pinansyal upang matustusan ang kanilang mga gastusing medikal at mapagaan ang mga hamong kinahaharap ng kanilang mga pamilya.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang tulong pinansyal ay ibinigay sa mga sugatang sundalo ay bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at dedikasyon sa bayan.

Limang sundalo na nagkaroon ng malubhang pinsala habang nagsasagawa ng kanilang tungkulin ay tumanggap ng tig-P100,000 na tulong pinansyal.

Kabilang na sina SSG. Rodel Buenavista (Phil. Marines), at SGT. Clint John Cuizon, CPL. Ronbel Esporma, CPL. Argie Son-oc, at SSG Benjie Idmilao, na pawang mula sa Philippine Army (PA).

Habang ang 24 pang mga sundalo na nagpapagaling mula sa iba’t ibang mga sugat ay nakatanggap ng tig-P10,000 na financial support.