Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang isang on-site inspection sa Manila International Container Port (MICP) noong Miyerkules ng hapon kasunod ng mga ulat na mahigit 800 container na naglalaman ng tinatayang 23 milyong kilo ng imported na bigas ang umano’y natengga sa nasabing pantalan.
Ayon kay Speaker Romuladez ang inspeksyon ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Kamara de Representantes na labanan ang pag-ipit at pagpuslit ng bigas upang tumaas ang presyo nito para masiguro na madaling makabili sa abot-kayang presyo ang mga Pilipino, alinsunod sa mas malawak na estratehiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na paramihin ang lokal na produksyon ng pagkain.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga ulat tungkol sa nakatenggang bigas ay nagdudulot ng pangamba ukol sa pagmamanipula ng suplay ng bigas sa merkado upang tumaas ang presyo nito at humahadlang sa layunin ng gobyerno na tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan.
Nanawagan si Speaker Romualdez sa mga importer na iwasan ang paggamit ng buong 30-araw na palugit bago ilabas ang kanilang bigas, dahil ito ay maituturing na pag-iimbak at makakasama sa mga karaniwang mamimili sa pamamagitan ng artipisyal na pagpapataas ng presyo.
Ayon sa Section 1129(d) ng Customs Modernization and Tariff Act ang mga shipment ay dapat ma-claim sa loob ng 30 araw at kailangang malinaw na mabayaran ang kaukulang duties at taxes.
Ayon sa tala ng Bureau of Customs, mayroong 523 container ng imported na bigas sa kasalukuyan sa yard ng MICP, kung saan ang bawat container ay naglalaman ng 25 metrikong tonelada ng bigas, na nagkakahalaga ng P750,000 bawat container.
Ayon pa kay Romualdez, may ilang reklamo tungkol sa kakulangan ng bigas sa mga nakaraang pagbisita sa mga palengke, gayung lumalabas sa inspeksyon na marami ang imported na bigas na mabibili.
Gayunpaman, sinabi niya na tila may ilang importer ang sinasamantala ang reglementary period bago ilabas ang kanilang mga stock, na isang taktika na nagdudulot sa pagtaas ng presyo sa pamilihan.
Matatandaan na pinangunahan ni Speaker Romualdez ang serye ng mga inspeksyon sa mga bodega ng bigas sa Bulacan kasunod ng mga ulat tungkol sa pag-iimbak upang itaas ang presyo ng bigas.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang Executive Order No. 62 ni Pangulong Marcos, Jr. na nag-uutos ng pagbawas sa taripa ng mga imported na bigas ay mawawalang kabuluhan kung ang mga ito ay hindi ilalabas sa tamang oras.
Nanawagan siya sa lahat na pabilisin ang paglabas ng mga container ng bigas at tiyakin na ang sinumang indibidwal o grupo na sangkot sa ilegal na pag-iimbak ng bigas ay mananagot.
Una na ring nagbabala ang BOC na ang mga shipment na lumampas sa 30-araw ay ide-deklara ng abandonado at maaaring kumpiskahin ng gobyerno upang i-auction o i-donate sa mga ahensya ng pamahalaan, tulad ng Department of Social Welfare and Development.