Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez nitong Lunes ang pamamahagi ng 17 solar pumps na makatutulong sa daan-daang magsasaka na mapatubigan ang kanilang mga taniman sa Isabela, isa sa pangunahing probinsya na producer ng bigas at mais sa bansa.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang distribusyon kasama ang mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) at lokal na pamahalaan ng Isabela sa pangunguna ni Gov. Rodito Albano.
Sumama si Speaker kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa inagurasyon ng isang malaking solar pump project sa kaparehong lugar.
Iginiit ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng irigasyon sa pagtatanim ng palay, mais, at iba pang produktong agrikultural hindi lamang sa Isabela kundi sa iba pang bahagi ng bansa.
Sa pamamagitan ng mga solar pumps, sinabi ni Speaker Romualdez na makapagtatanim ang mga magsasaka kahit na mayroong kakulangan ng tubig ulan.
“This means that they can have at least two crops a year. That’s double their harvest if they plant their crop only during the rainy days, which is really the case in farming areas that do not have irrigation,” dagdag pa nito.
Ang solar pumps ay bahagi ng proyekto ng NIA na naglalayong maparami ang mga lupang nadadaluyan ng irigasyon upang maabot ang pangarap ni Pangulong Marcos na maparami ang produksyon ng bigas at iba pang produktong agrikultural sa bansa.
Kung dodoble ang ani ng mga magsasaka, sinabi ni Speaker Romualdez na mas mabilis na maaabot ang food self-sufficiency at security ng bansa.
Tiniyak ni Speaker Romualdez na malalagyan ng sapat na pondo ang mga solar-powered irrigation pump kapag tinalakay ng Kamara ang pondo para sa susunod na taon.
Ayon sa mga opisyal ng NIA, ang Cabaruan solar-powered pump irrigation project ay isa sa mga hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng tubig ng mga magsasaka sa mas murang halaga.
Ang proyekto ay binubuo ng pumping station, 1,056 solar panels na makalilikha ng 739,000 watts ng kuryente, dalawang unit ng submersible pumps na kayang bumomba ng 2,800 galon ng tubig kada minuto.
Target ng proyekto na mapatubigan ang 350 hektarya ng lupang agrikultural. Mababawasan nito ang gastos ng 237 magsasaka sa pagtatanim na kasalukuyang gumagastos sa gasolina at diesel upang mapaandar ang mga bomba.
Nakompleto na ng NIA ang 17 katulad na proyekto na nagkakahalaga ng P180.2 milyon sa iba’t ibang bayan sa Isabela, Quirino, at Cagayan.