Ipinaabot ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa liderato ng United Arab Emirates (UAE) sa pagbibigay ng royal clemency sa 115 Pilipino at tinawag itong isang makapangyarihang pagpapakita ng habag at lalong pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at UAE.
Ipinahatid ni Speaker Romualdez ang pasasalamat ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at ng buong sambayanang Pilipino kina His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, Pangulo ng UAE, at His Highness Sheikh Mohammed bin Rashid Al Maktoum, Pangalawang Pangulo at Punong Ministro ng UAE, sa pagpapatawad sa mga nagkasalang Pilipino ngayong panahon ng Ramadan at nalalapit na Eid Al-Fitr.
Dagdag pa niya, ang pagpapatawad na ito ay hindi lamang nagdudulot ng ginhawa sa mga napalaya kundi nagbibigay rin ng pag-asa sa kanilang mga pamilya na naghihintay sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.
Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez na ang nasabing hakbang ay lalo pang nagpapatibay sa matagal nang pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at UAE.
Ipinunto rin ng Speaker na patuloy na naging mabuting host ang UAE sa mahigit kalahating milyong Pilipino na malaki ang ambag sa ekonomiya at lipunan sa Middle east.
Sa huli, ipinahayag niya ang pag-asa na ang ginawang clemency ng UAE ay magsilbing inspirasyon sa iba upang piliin ang kapayapaan, kabutihan, at habag, lalo na sa panahong ito ng spiritual reflection.