-- Advertisements --

Nanagawan ng agarang aksiyon si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang presyo ng mga na dapat ding maging abot-kaya para sa ordinaryong pamilyang Pilipino.

Ito ay Kasunod ng kanyang matibay na paninindigan na mapababa ang presyo ng bigas alinsunod sa mga programa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr.,

Sinabi ni Speaker Romualdez, na ang pagpapababa ng presyo ng pagkain ay isang pambansang prayoridad at kasama rito ang gulay na bahagi ng kampanya ng gobyerno upang magkaroon ng seguridad sa pagkain ang bansa.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga pagbabago sa presyo ay nagpapahirap sa badyet ng pamilyang Pilipino kaya dapat itong mapababa at mapanatiling abot-kaya.

Tinukoy ni Speaker Romualdez ang mga pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng gulay, kabilang ang mahinang imprastraktura sa agrikultura, hindi epektibong transportasyon mula sakahan patungo sa pamilihan, at kakulangan ng pasilidad para sa pag-iimbak pagkatapos ng ani.

Muling iginiit ng pinuno ng Mababang Kapulungan na ang pamumuhunan sa imprastraktura ng agrikultura ang susi sa pagpapababa ng presyo ng gulay.

Binanggit niya ang kasalukuyang mga hakbangin ng Department of Agriculture (DA) upang pagandahin ang mga farm-to-market road at pasilidad sa imbakan, na makakatulong upang mabawasan ang mga pagkalugi matapos ang ani at mapatatag ang suplay.

Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagsigurong makarating nang maayos sa mga pamilihan ang lokal na ani upang maiwasan ang sobrang pag-asa sa mahal na imported na gulay.

Bukod sa imprastraktura, isinusulong niya ang mas malaking puhunan sa modernisasyon ng teknolohiya sa pagsasaka upang mapalakas ang lokal na ani ng gulay.

Kabilang dito ang mas malawak na access sa de-kalidad na binhi, subsidiya sa pataba, at tulong-pinansyal para sa maliliit na magsasaka.

Nanawagan din ang abogado at pinuno ng Mababang Kapulungan para sa mas mahigpit na pagsubaybay sa presyo at regulasyon upang matiyak ang patas na presyo sa farmgate para sa parehong mga magsasaka at mamimili.

Nanawagan si Speaker Romualdez sa National Price Coordinating Council (NPCC) at sa DA na magsagawa ng regular na pagsusuri ng mga patakaran upang matiyak ang epektibong mga hakbang sa pagpapatatag ng presyo ng gulay.

Muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang kanyang dedikasyon sa pagpasa ng mga panukalang batas na magpapatibay ng pangmatagalang solusyon sa pagtaas ng presyo ng pagkain.