Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa makasaysayang batas para masawata ang economic fraud at maprotektahan ang taumbayan mula sa financial scam.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. ang Anti-Financial Accounts Scamming Act (AFASA), o Republic Act No. 12010, sa isang seremonya sa Malacañang Palace Sabado ng umaga.
Binigyang diin ni Speaker Romualdez ang halaga ng bagong batas na titiyak sa integridad ng financial system ng bansa at upang mailayo ang publiko sa panloloko
Pinapurihan ng lider ng Kamara de Representantes si Pangulong Marcos sa kaniyang pamumuno at pagnanais na protektahan ang mga Pilipino.
Pipigilan ng AFASA ang mga financial scam gaya ng money muling, social engineering schemes, at economic sabotage.
Nakasaad sa batas ang komprehensibong panuntunan kung paano maprotektahan ang mga may-ari ng financial accounts, at pag atas sa mga financial institution na magpatupad ng secure access systems gayundin ang pagbabayad danyos kung mabigongng protektahan ang naturang mga account.
Binibigyang kapangyarihan din nito ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na imbestigahan ang mga financial account na sangkot sa maanomalyang aktibidad at mag-apply ng cybercrime warrants.
Ang BSP rin ang naatasan na bumuo ng implementing rules and regulations sa loob ng isang taon mula sa pagiging epektibo ng batas.
Tinukoy ni Speaker Romualdez ang mabigat na parusang ipapatas sa ilalim ng AFASA laban sa mga financial crimes na patotoo sa hangarin ng pamahalaan na labanan ang naturang mga krimen.
Anim hanggang walong taong pagkakakulong at multang P100,000 hanggang P500,000 ang ipapataw sa mga sangkot sa money muling.
Mahaharap naman sa 10 hanggang 12 taong pagkakakulong at multa na P500,000 hanggang P1 million ang sangkot sa social engineering.
Magiging 12 hanggang 14 taong kulong naman at P1 million hanggang P2 million na multa kung senior citizen ang niloko.
Magreresulta naman sa habambuhay na pagkakakulong at multa na P1 million hanggang P5 million ang masasankot sa economic sabotage.
Ang iba pang paglabag ay mauuwi rin sa kulong at multa pati ang diskwalipikasyon sa paghawak sa posisyon sa gobyerno kung ang sangkot ay opisyal ng pamahalaan.
Ang Regional Trial Court ang hahawak sa mga paglabag sa AFASA kung ang krimen ay ginawa sa Pilipinas o kung ang biktimang indibidwal o account ay nasa bansa.
Magreresult naman aniya ang AFASA sa matatag at maunlad na ekonomiya.
Nanawagan naman ang lider ng Kamara para sa patuloy na pagbabantay at kooperasyon ng lahat ng sektor para sa matagumpay na pagpapatupad ng AFASA.