Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni General Rommel Marbil, sa mabilis na pagkakaaresto sa mga suspek sa pagdukot at pagpatay sa Filipino-Chinese businessman na si Anson Que at sa kanyang driver.
Ayon kay Speaker Romualdez malinaw na ipinapakita nito ang determinasyon ng administrasyon ni Pangulong Marcos na maihatid ang katarungan at maprotektahan ang publiko laban sa mga organisadong krimen.
Patunay din ito na ang mga law enforcement institutions ay may sapat na kakayahan para resolbahin ang kaso ng walang dugo ang dumanak.
Nagpasalamat din ang lider ng Kamara kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang matatag na suporta sa PNP sa pagtugis at pagdakip sa mga suspek.
Kinilala ng PNP ang mga suspeks na sina Ricardo Austria David, Raymart Catequista, at David Tan Liao na kasalukuyang nasa kustodiya na ngayon ng PNP Anti-Kidnapping Group.
Si Liao, isang Chinese national, ay kusang-loob umanong sumuko at inamin ang kanyang pagkakasangkot sa krimen.
Naaresto naman ang dalawa pa sa isang police operation sa Palawan noong Biyernes.
Si Que, na kilala rin bilang Anson Tan, at ang kanyang driver na si Armanie Pabillo, ay iniulat na nawawala noong Marso 29 matapos umalis mula sa kanilang opisina sa Valenzuela City.
Isang ransom demand na nagkakahalaga ng $20 milyon ang ipinadala sa pamilya nito sa pamamagitan ng WeChat kinabukasan.
Dalawang bangkay ang natagpuan sa Rodriguez, Rizal at nakumpirma na ito sina Que at Pabillo sa pamamagitan ng mga nakuhang forensic evidence.
Sa ngayon bumuo na ang PNP ng isang special investigation task group na siyang tututok sa kaso.
Iniimbestigahan na rin ngayon ng mga otoridad ang posibleng kaugnayan ng kaso sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), gayundin ang iba pang mga motibo maliban sa kidnap-for-ransom.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagkakaaresto na naisakatuparan sa pamamagitan ng koordinasyon, intelligence work, at paggamit ng teknolohiya ay nagpapakita na epektibo ang makabagong pagpapatupad ng batas.
.