-- Advertisements --

Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang Gilas Pilipinas sa 89-80 panalo nito kontra Latvia, na pang anim sa world basketball ranking, sa ginanap na 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament noong Huwebes.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ipinakita ng Gilas Pilipinas ang kanilang hindi natitinag na diwa na katawanin ang Pilipinas sa prestihiyosong kompetisyon.

Pinangunahan ni coach Tim Cone ang Gilas Pilipinas sa laban sa ginanap sa Arena Riga.

Ayon kay Speaker, hindi lamang ito simpleng panalo sa scoreboard, kundi isang panalo para sa puso ng bawat atletang nangangarap na irepresent ang Pilipinas sa pandaigdigang kompetisyon.

Nagsisilbi din itong inspirasyon sa maraming Pilipino na magpursige dahil iba ang talento ng mga Pilipino sa larangan ng sports.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ipinakita ng panalo ng Gilas ang katatagan ng bawat manlalaro sa ilalim ng pamumuno ni Coach Tim Cone.

Bilang lider ng Kamara, tiniyak ni Speaker Romualdez ang pagsuporta hindi lamang sa Gilas Pilipinas kundi sa lahat ng mga manlalaro na kakatawan sa Pilipinas sa international events.