-- Advertisements --

Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang 2.6 milyong karagdagang trabaho sa pagsisimula ng 2025 batay sa pinakabagong Labor Force Survey (LFS), na isa umanong patunay sa matibay na pag-usad ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang malaking pagtaas ng trabaho sa sektor ng agrikultura, na aniya ay malinaw na patunay na epektibo ang mga programa ng gobyerno sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain at pagpapaunlad ng kanayunan.

Ipinunto ni Speaker na bagama’t nakapagbibigay ng pag-asa ang mga tagumpay na ito, kinakailangan pa rin aniya ang tuluy-tuloy at pangmatagalang pagsisikap upang matiyak na ang paglago ng trabaho ay inklusibo at matatag sa lahat ng sektor.

Batay sa LFS noong Marso 6 na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), binanggit ni Speaker Romualdez na ang sektor ng agrikultura ang nagtala ng pinakamalaking pagtaas ng trabaho, na may 883,000 bagong hanapbuhay noong Enero.

Sinundan ito ng wholesale at retail trade, kabilang ang pagkumpuni ng mga sasakyan at motorsiklo, na may 850,000 bagong trabaho; accommodation at food service activities na may 533,000 trabaho; at transportasyon at imbakan na may 141,000 trabaho.

Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez na bagama’t lumalakas ang sektor ng agrikultura at serbisyo sa paglikha ng trabaho, nawala naman ang 209,000 trabaho sa sektor ng pagmamanupaktura noong Enero.

Ipinahayag niya ang pangangailangan na palakasin ang kakayahang pang-industriya upang matiyak na ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay balanseng lumilikha ng matatag at de-kalidad na mga trabaho.

Tiniyak din ni Speaker Romualdez sa publiko na ang Kongreso ay lubos na nakatuon sa pagpapatupad ng mga hakbang upang suportahan ang paglikha ng trabaho at pagpapalawak ng ekonomiya sa iba’t ibang industriya.

Hinimok din nito ang matibay na pakikipagtulungan ng mga ahensya ng gobyerno, mga negosyo, at mga grupo ng manggagawa upang bumuo ng mga patakaran na makakatulong sa patuloy na paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho.