-- Advertisements --

Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagkilala ng Commission on Elections (Comelec) sa pinamumunuan nitong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) bilang dominant majority party sa paparating na midterm elections.

Bilang Pangulo ng Lakas-CMD, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang matagal nang kontribusyon ng partido sa pambansang kaunlaran, sa pagpapalakas ng ekonomiya, pagpapatibay ng pambansang seguridad, at pagtatayo ng mahahalagang imprastruktura.

Dalawang miyembro ng Lakas-CMD ang naging Pangulo na ng bansa.

Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara de Representantes na ang pagiging dominanteng partido ng Lakas-CMD ay may kaakibat na responsibilidad na isulong ang Bagong Pilipinas agenda, na naglalayong gawing mas epektibo ang pamahalaan, tiyakin ang inklusibong pag-unlad ng ekonomiya, at ibalik ang tiwala ng mamamayan sa mga institusyon.

Bilang dominanteng majority party, nakatuon ang Lakas-CMD sa pagsusulong ng mga repormang pambatas at pampatakaran na nakahanay sa mga pambansang layuning ito.

Ayon kay Speaker Romyakdez Pinagtitibay din ng pagkilalang ito ang papel ng partido sa pangangalaga sa integridad ng halalan at demokratikong proseso.

Hinikayat ni Speaker Romualdez ang mga miyembro at tagasuporta ng Lakas-CMD na ituring ang pagkilalang ito hindi bilang isang gantimpala, kundi bilang isang hamon na higit pang pagbutihin ang paglilingkod sa bayan.

Muling pinagtibay ng Speaker ang pangako ng Lakas-CMD na maghatid ng epektibong pamamahala na may konkretong resulta at makipagtulungan sa lahat ng sektor upang makamit ang pambansang kaunlaran.