-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagpapalalim at pagpapalawig ng partnership ng Pilipinas at Republic of Korea (ROK) na pinag-usapan sa isang state luncheon noong Lunes sa Malacañang bilang parangal kay South Korean President Yoon Suk Yeol at First Lady Kim Keon Hee.

Ayon sa lider ng Kamara de Representantes, ang pagbisita ni Pangulong Yoon ay isang malaking hakbang para sa pagpapatibay ng Philippine-ROK relations. Ngayon taon ay ipinagdiwang ang ika-75 taong anibersaryo ng diplomatic relation ng dalawang bansa.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang pagkakaisa ng Kongreso ng Pilipinas sa pagsuporta sa mga strategic initiative na naglalayong palakasin ang relasyon ng dalawang bansa.

Nagpahayag din ng kumpiyansa ang lider ng Kamara na lalo pang yayabong ang relasyon ng dalawang bansa sa larangan ng modernisasyon ng depensa, ugnayang pag-ekonomiya at palitan ng kultura.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang mahalagang papel ng South Korea sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines at ng mga humanitarian efforts nito sa mga joint exercise gaya ng KAMANDAG.

Binanggit din ng lider ng Kamara ang lumalawak na kooperasyon ng dalawang bansa sa larangan ng ekonomiya, partikular ang pagkompleto ng domestic requirement para sa bilateral Free Trade Agreement (FTA), nations inaasahan na lalo pang magpapalalim sa relasyong pangkalakalan ng dalawang bansa.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang kahandaan ng ROK na suportahan ang mga proyektong pang-imprastraktura ng Pilipinas gaya ng pagsasagawa ng feasibility study sa Bataan Nuclear Power Plant para sa pag-unlad ng nuclear technology ng bansa.

Ang South Korea rin umano ang pangunahing pinanggagalingan ng mga foreign tourist sa bansa sa nakalipas na dalawang taon na magpapalakas sa pagkaka-unawaan ng mga residente ng dalawang nasyon.

Muli ring iginiit ni Speaker Romualdez ang pangako ng Pilipinas, partikular ang lehislatura na palakasin ang strategic partnership ng bansa sa South Korea.