Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pag-usad ng panukala na mag-aamyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong tiyakin na sapat ang suplay ng bigas sa bansa at abot-kaya ang presyo nito.
Sa sesyon ng plenaryo nitong Martes, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 10381 sa pamamagitan ng voice voting.
Target ng Kamara na aprubahan ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa bago ang sine die adjournment sa susunod na linggo.
Sa ilalim ng panukala ay palalakasin ang National Food Authority (NFA) at bibigyan ito ng kakayanan na mag-angkat ng bigas sa mga emergency situation para matiyak na sapat ang suplay at mapahupa ang presyo ng bigas.
Nanawagan naman ang ilang kongresista sa Senado na bilisan din ang pagpasa ng panukala.
Nauna rito ay nagpahayag ng kahandaan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sertipikahan ang panukala upang mabilis itong maipasa ng Kongreso.