Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagawa nitong mapauwi pabalik ng Pilipinas ang Pinay drug mule convict na si Mary Jane Veloso na nahaharap sa death row sa bansang Indonesia.
Ito’y matapos i-anunsiyo ni Pang. Marcos na makakauwi na ng Pilipinas si Veloso matapos ang 14 na taong pagkakakulong.
Ikinatuwa din ito ng pamilya Veloso sa Nueva Ecija.
Sinabi ni Speaker na ang ginawa ng Pangulo ay patunay na binibigyan nito ng prayoridad ang kapakanan ng mga Filipino lalo na ang mga OFWs.
Dagdag pa ni Speaker Romualdez na ang pagbabalik sa Pilipinas ni Veloso ay maituturing na triumph of hope, diplomacy, at justice.
Nagpasalamat din si Speaker Romualdez sa Indonesian presidente Prabowo Subianto hinggil sa nasabing hakbang.
Siniguro naman ni Romualdez na ipagpapatuloy nito ang pakikipag ugnayan sa ibat ibang government agencies na bumuo ng mga polisiya para protektahan ang mga OFWs at kanilang mga pamilya.