Pinasalamatan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang kanyang administrasyon sa pagsusumikap nito na nagresulta sa ligtas na paglaya ng 17 Pilipinong marino na binihag ng mga Houthi rebels sa Yemen sa loob ng 429 araw.
Ipinahayag ni Speaker Romualdez ang kanyang pakikiisa sa mga pamilya ng mga tripulante, at pagkilala sa kanilang katatagan at pag-asa sa gitna ng matinding pagsubok.
Gayunman, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng patuloy na pagpapalakas ng mga polisiya na nangangalaga sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Binanggit din ng mambabatas ang kamakailang pagpapatibay ng Republic Act No. 12021, o ang Magna Carta of Filipino Seafarers, na isang mahalagang hakbang upang matiyak ang mga karapatan, kaligtasan, at oportunidad para sa mga Pilipinong propesyonal sa maritime industry.
Nakikiisa rin si Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos sa pagpapahayag ng pasasalamat kay Kanyang Kamahalan Haitham bin Tarik, Sultan ng Oman, sa pamahalaan ng Oman, at sa iba pang mga organisasyon na tumulong sa negosasyon na nagresulta sa paglaya ng mga mandaragat at sa kanilang ligtas na pagdaan sa Oman.