-- Advertisements --

Pinapurihan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang maigting na pagsusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagkakaroon ng seguridad sa pagkain ng lahat ng Pilipino sa kaniyang intervention nitong Linggo sa unang sesyon ng ASEAN-Japan Commemorative Summit sa Tokyo, Japan.

Tinukoy ni Romualdez ang pagbibigay diin ng Pang. Marcos sa pagkakaroon ng matatag at pangmatagalang sistema ng agrikultura at pagkain gamit ang makabagong teknolohiya at mga pagbabago sa kanyang intervention sa summit.

Kasama rin aniya dito ang pagkilala ng Pangulo sa pagsuporta ng Japan sa pamamagitan ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve at ASEAN-JICA Food Value Chain Development Project, na pakikinabangan ng mga Pilipino.

Paliwanag ni Romualdez ang emergency rice reserve at collaborative food development projects ay isang mabisang panangga laban sa kakulangan ng pagkain at pagbabago ng presyo, mga bagay na magbibigay ng proteksyon sa mga Pilipino laban sa gutom at kahirapan sa ekonomiya.

Inihayag ni Speaker ang pagnanais ng Pangulo na maging moderno ang sektor ng agrikultura na magpaparami ng produksyon ng pagkain sa bansa.

Muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang buong suporta ng Kamara sa mga hakbangin ni Pang. Marcos para sa seguridad sa pagkain at iba pang usaping pang nasyunal at pang rehiyon.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Romualdez na sa ilalim ng pamumuno ni Pang. Marcos at sa mga inisyatiba nito ay magkakaroon ng masaganang kinabukasan ang sektor ng agrikultura ng bansa. – ANALY SOBERANO