
Nilinaw ni House Speaker Martin Romualdez na hindi nito pini-personal kundi tinutupad lamang ng mga miyembro ng Kamara ang tungkulin nito ng muling suspendihin si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. na patuloy na nagtatago at humingi ng political asylum sa ibang bansa.
Ipinaalala ni Speaker Romualdez na bilang kinatawan ay may pananagutan sila sa mga Pilipino na gampananan ang kanilang mandato na maglingkod na may integridad at buong katapatan.
Kabilang dito ang pagsunod sa Code of Conduct, Rules of the House at Rules of the Committee.
Punto ni Romualdez na ang pagtalima sa mga panuntunan na ito ay sumasalamin sa kredibilidad ng institusyon.
Si Teves kasi ay iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo na kilalang kalaban nito sa politika at tumalo sa kanyang kapatid na si Henry Pryde sa 2022 elections.
Dahil sa patuloy na pagsuway ni Teves sa panawagan ng Kamara na bumalik na ito ng bansa.
Muling nagsagawa ng pagdinig ang Ethics committee na nagrekomenda na muling patawan si Teves ng 60-days na suspensyon at tinanggal na rin ang membership nito sa lahat ng komite.
Kasama sa 60 days suspension ni Cong. Teves ang mga pribiliheyo nito bilang isang mambabatas.
Ang rekumendasyon ng Ethics committee ay sinang-ayunan ng 285 lawmakers.
Binigyang-diin ni Speaker na walang sinuman ang makakadungis sa reputasyon ng House of Representatives.