Kahit ilang araw na lamang ay puspusan pa rin ang pagsasa-ayos ng House of Representatives para sa ikatlong SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakatakda sa July 22, 2024.
Tinatayang nasa P20 milyon ang ginastos ng Kamara para sa lahat ng gagawin nilang renovations, pagpalit ng mga silya, pagkain at iba pa.
Kahapon nagsagawa ng final walkthrough ang office of the President, Kamara at Senado hinggil sa magiging protocol sa sandalling dumating na ang Pangulong Marcos sa loob ng Kamara.
Sa kabila ng may mga hinahabol na pagkukumpuni, tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na nakahanda na ang Kamara para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sinabi ni Speaker Romualdez, naging matagumpay ang paghahanda nila para sa SONA 2024 matapos isagawa ang final interagency meeting kahapon.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco nasa mahigit dalawang libong guest ang kanilang inaasahan.
Hindi naman dadalo sa SONA 2024 si Vice President Sara Duterte, maging ang mga dating pangalawang pangulo ng bansa na sina Leni Robredo, Jejomar Binay at Noli de Castro.
Dagdag pa ni Velasco na all systems go para sa SONA 2024 maging ang latag ng trapiko,seguridad at iba pa.
Tinalakay sa final interagency meeting, ang arrival scenario at security measures at maging ang isang komprehensibong plano para sa deployment ng mga law enforcement personnel na magse secure sa lahat ng mga dadalo sa SONA.
Siniguro naman ni House Sergeant-at-Arms retired Police Maj. Gen. Napoleon “Nap” Taas na nakalatag na ang detalyadong security measures upang masiguro ang isang mapayapa at maayos na SONA 2024 kung saan katuwang nila ang iba ibang security agencies ng gobyerno.