-- Advertisements --

Nagpa-abot ng taus-pusong pagbati si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Filipino tennis sensation na si Alexandra Eala sa kanyang naging performance sa 2025 Miami Open, kung saan tinalo nito ang mga top-ranked na manlalaro at ipinakita ang kanyang natatanging talento na nagdala ng karangalan sa Pilipinas.

Si Eala, 19-anyos at isang wildcard entrant sa torneo, ay naging usap-usapan matapos niyang talunin ang World No. 2 na si Iga Świątek sa quarterfinals ng Miami Open, isang Women’s Tennis Association 1000 event, sa iskor na 6-2, 7-5.

Tinalo rin niya ang 2025 Australian Open champion na si Madison Keys at ang dating French Open champion na si Jeļena Ostapenko, na nagpatingkad sa kanyang talento.

Ayon sa Speaker, ang pag-angat ni Eala sa Miami Open ay isang simbolo ng pag-asa at inspirasyon para sa mga batang atleta sa buong bansa.

Ipinakita rin nito ang halaga ng dedikasyon, disiplina, at walang humpay na pagsisikap sa pag-abot ng mga pangarap.

Habang naghahanda si Eala para sa kanyang semifinal match, ipinahatid ni Speaker Romualdez ang kanyang suporta at panalangin.

Ang mga tagumpay ni Eala sa Miami Open ay naglagay ng kanyang pangalan sa kasaysayan ng pampalakasan sa Pilipinas at nagtatakda ng bagong pamantayan ng kahusayan sa tennis.

Ang kanyang kuwento ay isang patunay kung paano maaaring dalhin ng pagsisikap at talento ang isang atleta sa hindi pa nararating na tagumpay.

“Alex’s journey reminds us all that with hard work and faith, no dream is too big. She has not only broken barriers but has also paved the way for future generations of Filipino tennis players to aim for global recognition,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.