-- Advertisements --

Nangako sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Japanese Speaker Fukushiro Nukaga na lalo pang palalakasin ang defense at security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan, at pagpapalawig ang trilateral cooperation ng mga ito kasama ang Estados sa ginanap.
Kinilala rin ni Speaker Nukaga ang mabuting ugnayan at relasyon ng Pilipinas at Japan.

Aniya, ang pagtutulungan ng dalawang bansa ay magpapalakas sa iba’t ibang larangan tulad ng depensa at seguridad.

Sinabi pa ni Nukaga na dalawang ulit na naging pinuno ng Japan Defense Agency, na nauunawaan nito ang kahalagahan ng kooperasyon sa pagitan ng bawat bansa na may parehong pagpapahalaga at nagtataguyod ng demokrasya.

Naniniwala rin ang pinuno ng mga mambabatas ng Japan na ang pangingibabaw ng batas ang dapat na maging batayan ng seguridad at pagtaguyod ng demokrasya, lalo na sa pagpapanatili ng pandaigdigang kaayusan.

Ang pulong nina Speaker Romualdez at Speaker Nukaga, sa Tokyo parliamentary building noong Martes ay naglalayong matalakay ang mga usaping kapaki-pakinabang sa Pilipinas at mamamayang Pilipino.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang pantay na access sa Philippine agricultural products, suporta sa infrastructure projects sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA), proteksyon ng overseas Filipino workers (OFWs), pamumuhunan ng mga Hapon sa bansa, at pagtutulungang pangseguridad.

Sa pulong, binanggit ni Speaker Romualdez ang patuloy na pagpapabuti sa kooperasyon sa depensa at seguridad sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Aniya, sa pamamagitan ng alyansa ng Pilipinas sa Japan ay patuloy na napapalakas, at nagpatitibay ang kakayahang pandepensa at pangkalahatang seguridad ng Pilipinas.

Ang Japan ay isa sa pangunahing pinagmumulan ng kagamitang pangdepensa at suporta sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas, at may mahalagang papel sa pagpapatatag ng kakayanan ng bansa na harapin ang mga hamon dito.

Tinalakay din ng dalawang pinuno sa pulong ang trilateral cooperation sa pagitan ng Pilipinas, Japan at US na may mahalagang papel sa pagpapanatili ng seguridad at katatagan sa rehiyon.

Ito ay kasunod ng matagumpay na inaugural Trilateral Summit na ginanap noong Abril 2024 sa Washington, D.C., na naglatag ng pundasyon para sa pagpapalalim ng kooperasyon sa pagitan ng tatlong bansa.

Sinabi naman ni Speaker Romualdez na kinikilala ng Pilipinas ang mahalagang papel ng trilateral cooperation sa pagpapanatili ng seguridad at katatagan, lalo na ng pagtiyak sa pag-iral ng rules-based order sa rehiyon.

Ang trilateral relationship ay itinuturing na mahalaga para da pagtugon sa iba’t ibang hamon sa seguridad at pagsulong ng mapayapa, ligtas at ma-unlad na Indo-Pacific region.

Sa nasabing pulong, pinuri ni Speaker Nukaga ang trilateral agreement sa pagitan ng Japan, Estados Unidos at Pilipinas sa pagpapalakas ng seguridad, kaligtasan at katatagan ng rehiyon.