-- Advertisements --

Suportado ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na buksang muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF.

Sinabi ni Romualdez ang naging desisyon ng Chief Executive ay isang matapang at mahalagang hakbang tungo sa layuning makamit ang isang mapayapa, nagkakaisa, at progresibong bansa.

Binigyang-diin ni Speaker na pagbubukas muli ng peace talk ay isang patunay na ipinakita ng Pangulo ang kahandaan na makinig sa mga hinaing ng mga kapatid nating rebelde at maghanap ng solusyon para tuluyan nang matuldukan ang lahat ng kaguluhan sa ating mga komunidad.

Ikinalugod din ni Speaker Romualdez ang pagiging bukas ng CPP-NDF-NPA na muling makipag-usap sa pamahalaan at makipagtulungan para wakasan ang kahirapan at iba pang problema ng lipunan na itinuturong sanhi ng pag-aaklas laban sa gobyerno.

Ayon kay Speaker Romualdez ang “tunay na kaunlaran ay makakamit natin kapag ang mga baril ay ginawang mga araro at traktora, kapag ang mga kamay na dating lumalaban ay nagkakaisa sa pagbuo ng ating bansa.”

Hinimok naman ni Speaker Romualdez ang mga Pilipino na suportahan ang mga hakbang patungo sa kapayapaan.

Ipinunto ni Speaker na ang paglalakbay patungo sa kapayapaan ay mahaba at masalimuot ngunit bawat hakbang ay palapit sa isang kinabukasan kung saan ang bawat Pilipino ay maaaring mabuhay nang may dignidad at kasaganaan.