Suportado ni House Speaker Martin Romualdez ang planong magtayo ng community pantry para sa mga Mayon evacuees.
Ito’y matapos ihayag ni Albay 3rd District Rep. Fernando “Didi” Cabredo na nais nitong magtayo ng community pantry para sa mga inilikas na mga residente dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ang gagamiting ni Cabredo para sa community pantry ay ang natanggap nitong P500,000 cash assistance mula kina Speaker Romualdez at Tingog Party-list.
Sa naturang community pantry, magbibigay ng libreng makakain at iba pang pang-araw-araw na gamit sa mga apektadong pamilya.
Plano naman ni Cabredo na bilhin ang ani ng mga magsasaka na apektado rin ng volcanic activity ng Mayon para ilagay sa community pantry.
Pinuri ni Speaker Romualdez si Cabredo sa hakbang nitong matulungan ang kaniyang mga constituents.
“It’s very heartwarming to see the return of the community pantry during this situation in Albay. Community pantries symbolized malasakit and hope for Filipinos during the early days of the Covid-19 pandemic. I am happy and humbled to serve as an instrument of this laudable initiative that would benefit the evacuees,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Pino-proseso na rin ng Office of the speaker ang pagpapalabas ng tig-P10 million cash assistance sa bawat distrito ng Albay sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Habang na-endorso na rin ni Speaker Romualdez sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang hiling ni Albay 2nd district Rep. Joey Salceda na P10 million na tulong sa mga residente ng ikalawang distrito sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) cash-for-work program.