-- Advertisements --

Muling inihayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kaniyang suporta sa programang modernisasyon ng pampublikong transportasyon sa bansa, gayundin sa mga  local manufacturer at gawang Pinoy na modern at electric jeepney.

Nakipagpulong si Romualdez sa mga opisyal ng Francisco Motors —Chairman Elmer Francisco at President & CEO Dominic Francisco—at mga lider ng transport group sa isinagawang  modern jeepney showcase sa Main Wing ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City Sabado ng hapon.

Ibinida dito ang pagbuhay sa iconic Filipino jeep na may bagong disensyo para makatalima sa moderno, episyente at ligtas sa kalikasan na pampublikong transportasyon.

Sumakay si Speaker Romualdez sa naturang mga jeepney at ininspeksyon ang kanilang mga bahagi, bilang patunay sa kahandaan na isulong ang mga polisiya para sa umusad nag modernisasyon nang hindi maiiwan ang mga Pilipinong manggagawa at lokal na industriya.

Ang tradisyunal na Francisco Passenger Jeepney (FPJ) ay pinapaandar ng EURO4-compliant diesel engine habang ang fully-electric Pinoy Transporter naman ay mayroong  air-conditioning, CCTV, pasukan ng pasahero sa kanang bahagi at emergency backdoor exit at access para sa mga persons with disability.

Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara ang kritikal na papel ng mga lokal na tagagawa ng sasakyan hindi lamang sa modernisasyon ng sistema ng transportasyon ng bansa kundi pati na rin sa pagtulak ng inklusibong paglago ng ekonomiya.

Ayon kay Elmer Francisco tinatayang kakailanganin ng 250,000 na unit ng bagong public utility vehicles sa ilaim ng Jeepney Modernization Program na sinimulan ng nakaraang administrasyon.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang pagsuporta sa mga kompanya tulad ng Francisco Motors ay tumutulong sa paglika ng mga trabaho, pagsuporta sa mga komunidad, at pagbabawas ng pag-asa sa mga imported na sasakyan, na binili ng maraming transport cooperative upang makasunod sa mga regulasyon ng modernisasyon.

Tinukoy ni Francisco na ang suporta ng gobyerno para sa mga lokal na gumagawa ng sasakyan ay magpapasigla sa paglago ng mga kaugnay na lokal na industriya gaya ng spare parts na makakalikha ng  libu-libong trabaho.

Sinabi niya na ang mga locally-made modern jeep ay maaari ding ibenta nang mas mura kaysa sa mga imported na unit basta may tamang suporta mula sa gobyerno, tulad ng duty-free importation ng raw materials at capital equipment, at zero-rated VAT para sa mga binili sa bansa at imported raw materials.

Nangako ang Speaker na makikipag tulungan sa Kongreso para sa dagdag na alokasyon ng pondo sa transportation modernization program, kasama ang suporta para sa mga tsuper at operator na maaapektuhan ng pagbabago.