Buo ang suporta ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa ika-44 at ika-45 na ASEAN Summits sa Vientiane, Lao People’s Democratic Republic (LPDR).
Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagtitipon upang matugunan ang mga isyu na nakakaapekto sa rehiyon gayundin sa interes ng Pilipinas partikular ang isyu ng West Philippine Sea at ang pagtiyak na magpapatuloy ang pag-unlad nito.
Gaya ni Pangulong Marcos, sinabi ni Speaker Romualdez na mahalaga ang mga summit upang mapag-usapan ang mga geopolitical issue at kooperasyong pangrehiyon. Si Speaker Romualdez ay kasama sa opisyal na delegasyon ng Pilipinas sa Laos.
Muli ring iginiit ng ASEAN leaders ang pangangailangan na masolusyunan ang problema ng mapayapa at naayon sa prinsipyo ng international law kabilang ang 1982 UNCLOS.
Bukod sa mga isyung pangrehiyon, sinabi ni Speaker Romualdez na mahalaga ang summit sa mga Pilipino upang matugunan ang kanilang pinansyal na pangangailangan.
Kumpiyansa rin si Speaker Romualdez na maisusulong ni Pangulong Marcos ang pagpapalalim ng ugnayan nito sa isang bansa na makatutulong sa pag-unlad at seguridad ng bansa.