Suportado ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bilisin ang negosasyon para matapos na ang ASEAN-China Code of Conduct (COC) upang matiyak ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Sa ika-27 ASEAN-China Summit sa Laos noong Miyerkoles, Oktobre 9, binanggit ni Pangulong Marcos ang panibagong pangha-harass at agresibong aksyon ng China Coast Guard sa mga sasakyang pandagat at panghimpapawid ng Pilipinas na nasasagawa ng routine activity sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang mga insidenteng ito ay malinaw na pagbabalewala sa international law at standard, partikular ang UNCLOS at nangangailangan ng sama-samang paggawa ng isang panuntunan upang hindi na ito muling maulit.
Ipinunto ni Romualdez na ang mga pahayag ng Pangulo sa ASEAN Summit ay naglalayong protektahan hindi lamang ang interes at teritoryo ng bansa kundi maging ang kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino at ang seguridad sa pagkain ng bansa.
Sa kabila ng mga naging aksyon ng China, iginiit ni Pangulong Marcos na patuloy pa ring maghahanap ang bansa ng mapayapang resolusyon upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
“Looking ahead, the Philippines commits to deepening and expanding ASEAN-China relations in a comprehensive manner, thereby contributing further to the region’s long-term peace, development, and cooperation,” sabi ng Pangulo.
Habang naghahanap ng solusyon sa tensyon, nagpahayag ng kumpiyansa si Speaker Romualdez sa pamumuno ni Pangulong Marcos at iba pang lider sa ASEAN na magkakaisa ang mga ito sa pagpapanatili ng kaayusan at katatagan ng rehiyon.