-- Advertisements --

Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga opisyal ng United Nations (UN) na bumisita sa bansa na ipapasa ng Kamara de Representantes ang National Evaluation Policy bill at iba pang panukala upang maabot ang 2030 UN Sustainable Development Goals (SDG).

Ang Sustainable Development Goals (SDGs), na kilala rin bilang Global Goals, ay pinagtibay ng United Nations (UN) noong 2015 bilang pandaigdigang panawagan na wakasan ang kahirapan, protektahan ang mundo at siguruhin na lahat ng tao ay mayroong tinatamasang kapayapaan at kasaganaan pagsapit ng 2030.

Ginawa ng Speaker ang pahayag sa courtesy call ng ilan sa opisyal ng UN agencies na kinabibilangan nina Oyunsaikhan Dendevnorov, UNICEF Country Representative to the Philippines; Xavier Foulquier, Chief, Planning, Monitoring and Evaluation (UNICEF); Charl Andrew Bautista, UN Population Fund (UNPFA) Project Coordinator at Jose Nicomedes Castillo, UNFPA Monitoring and Evaluation Analyst.

Hiniling kasi ng UN officials na makaharap ang House Speaker para ilahad ang suporta sa evidence-based policymaking kasama ang capacity building sa ebalwasyon, pagpopondo sa pagpapatupad ng mga polisiya, at pagkakaroon ng mga ebidensya o patotoo gayundin ang pagapruba sa National Evaluation Policy bill.

Layon ng House Bill No. 4000 o An Act Establishing a National Evaluation Policy, na palakasin ang legal at organizational framework para sa palagiang pagbabantay at pagsusuri ng mga resulta ng pampublikong polisiya, programa, proyekto at iba pang uri ng tulong ng gobyerno para sa pagsusulong ng sustainable development.

Inirekomenda ni Speaker Romualdez na maisama ang panukala bilang priority measure sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Sa pamamagitan ng pagbuo ng National Evaluation Policy ay matutukoy ang polisiya at programa na dapat ipatupad ng pamahalaan para makamit at suportahan ang maayos na pamamahala sa bansa.