Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na patuloy na makikipagtulungan ang Kamara de Representantes sa pribadong sektor upang maging pangmatagalan at inklusibo ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag ng dumalo ito sa ginanap na 34th biennial convention dinner ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) noong Biyernes ng gabi, na dinaluhan ng 800 delegado sa pangunguna ni Federation President Cecilio Pedro.
Pinuri ni Speaker Romualdez ang pederasyon sa mga naging ambag nito sa pambansang kaunlaran at pagpapatatag ng bansa sa pamamagitan ng pagnenegosyo, pakikilahok sa mga gawaing sibiko, at pagkakaisang pangkultura.
“As Speaker of the House, I assure you of our continued support. Together with President Marcos, we will continue to work hand-in-hand with the private sector to create the conditions for inclusive, sustainable, and innovation-led growth,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Binigyang-diin ni Speaker na sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nakamit ng bansa ang matibay na pag-unlad sa ekonomiya sa kabila ng mga kinakaharap nitong pandaigdigang hamon.
Inihayag ni Speaker Romualdez na ang malaking bahagi ng pag-unlad ay bunga ng masigasig at bukas na pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa pribadong sektor, lalo na sa mga organisasyong tulad ng FFCCCII.
Ipinaalam din ni Speaker Romualdez sa mga negosyanteng Filipino-Chinese na patuloy na itutulak ng Kamara ang mga reporma na magpapalakas sa mga negosyante, malalaki man o maliliit.