Nangako si House Speaker Martin Romualdez na tutulong ang Kamara sa pagsasaayos ng mga nasirang heritage at cultural site sa Ilocos Norte bunsod ng tumamang magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon.
Sa isinagawang situationer briefing sa Abra kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., umapela si Sen. Imee Marcos na sana’y mapondohan ang pagsasaayos ng mga nasirang heritage at cultural site sa kanilang lalawigan.
Kabilang dito ang antique na Bantay Bell Tower at heritage houses sa Vigan.
Pagtitiyak ni Romualdez, makakaasa ng suporta si Sen. Marcos para sa paglalaan ng pondo sa rehabilitasyon ng heritage sites na nasira gayundin ang iba pang imprastrakturang naapektuhan ng lindol.
Makikipa-ugnayan din aniya sila sa mga provincial at local government sa tulong ng mga district representatives at mayors.
Samantala, bukas naman si Romualdez sa suhestyon ni Sen. Marcos na imbes na isang bagong departamento ay ipasailalim na lamang sa Office of the President ang NDRRMC.
Inilatag ng senadora na kanyang panukala na magtatag ng isang isang administration o council sa ilalim ng Office of the President kaysa sa itinutulak na Department of Disaster Resilience (DDR).
Punto nito mauubos lamang kasi sa pasahod ng mga assistant secretaries at undersecretaries ang pondo para sa bagong itatatag na kagawaran.
Agad naman tiniyak ni Romualdez na aaralin nila ang rightsizing ng itinutulak ng DBM.
Katunayan, sinegudahan nito ang senadora at sinabing maaari nilang gayahin ang FEMA o Federal Emergency Management Agency ng Estados Unidos o kaya ang AFAD (Disaster and Emergency Management Presidency) ng Turkey.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 10 panukala na ang naihain sa Kamara na nagsusulong sa pagtatatag ng DDR.
Samantala, sa pagbisita ni Speaker Romualdez sa Abra kaninang umaga kaniyang iniabot ng personal ay Abra Rep. Menchie ” Ching” Bernos ang financial assistance para sa mga biktima ng lindol na tumama sa probinsiya ng abra.
Nakipagpulong din sina President Marcos, Jr. at speaker sa mga local officals at provincial engineers para sa naging epekto ng lindol para sa agarang rehabilitation and restoration of affected roads, bridges, churches, residential buildings, schools and hospitals.
Kasama rin si Romualdez sa ginawang inspection at distribution ng tulong sa mga naapektuhang lugar.