-- Advertisements --

budget1

Siniguro ni Speaker Martin Romualdez na titiyakin ng House of Representatives na bawat piso sa panukalang P5.768 trilyong national budget para sa 2024 ay gagastusin ng tama.

Sinabi ni Speaker na obligasyon nila na siguraduhin na bawat sentimong buwis na ibinabayad ng ating mga kababayan ay magagamit ng tama at nararapat at bawat sentimo at may kapalit na serbisyo mula sa gobyerno.

Ngayong araw pormal ng sinimulan na ang gagawing pagtalakay sa Kamara sa budget na isinumite ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dumalo rito sina Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Secretary Amenah Pangandaman, National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan, at Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Eli Remolona.

Siniguro ni Speaker Romualdez sa apat na opisyal na magiging transparent ang gagawing pagtalakay ng Kamara sa panukalang budget.

Hihimayin umano ng mga miyembro ng Kamara ang pondo ng mga departamento at ahensya at susuriin ang mga programa, aktibidad, at proyekto upang masiguro na tama umano ang pagkakagastusan ng limitadong pondo ng gobyerno.

Pinuri rin ng lider Kamara si Pangulong Marcos Jr. sa pagsusumite ng budget sa Kongreso 20 araw bago ang itinakdang deadline ng Konstitusyon.

Ang maaga umanong pagsusumite ng budget ay magbibigay sa Kamara ng panahon upang matalakay ng mabuti at maisumite ito sa Senado ng mas maaga.

Hinamon naman ni Speaker ang House Committee on Appropriations na tapusin ang budget deliberations sa loob ng limang linggo lamang kung saan apat na linggo sa Komite at isang linggp sa plenaryo.

Nanawagan din si Speaker Romualdez sa kanyang mga kapwa kongresista na lumahok, makinig, at igalang ang pananaw ng isa’t isa at pakinggan ang mga alalahanan lalo na ng mga nasa minorya at magkaisa para sa ikabubuti ng bansa.