Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga sundalo na itutulak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahigit 100 porsyentong pagtaas sa daily subsistence allowance ng mga ito simula sa susunod na taon.
GInawa ni Speaker Romualdez ang pagtitiyak sa isinagawang House of Representatives-AFP Southern Luzon Command fellowship sa Camp Nakar sa Lucena City na dinaluhan ng mga lider ng Mababang Kapulungan kasama sina Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, at Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, mga lokal na opisyal gaya nina Vice Gov. Anacleto Alcala III, SOLCOM chief Lt. Gen. Facundo Palafox IV, at iba pang opisyal ng militar.
Gaya ng utos ni Pangulong Marcos, sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagtataas sa subsistence allowance ay mangangailangan ng P15 bilyong pondo na tiniyak ng lider ng Kamara na isasama sa panukalang 2025 national budget.
Inihayag ni Speaker Romualdez na batid nito at ng iba pang lider ng Kamara ang sakripisyo ng mga sundalo at kanilang pamilya.
Sinabi ni Romualdez sa mga sundalo na inaprubahan na rin ng Kamara ang panukala upang matiyak na mayroong pondo ang pensyon system ng mga beterano at mga retiradong sundalo.
Suportado rin umano ng Kamara ang AFP Modernization Program at ang pagpapa-unlad ng kabuuang defense posture ng bansa.
Kasabay nito ay nangako rin si Speaker Romualdez na lalagyan ng pondo ang mga lugar na naideklara ng communist insurgency-free.
Ayon sa lider ng Kamara na kinikilala nito ang paghihirap at sakripisyo ng mga sundalo sa pagtatanggol ng pambansang soberanya.
Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang operational achievement ng SOLCOM sa ilalim ng pamumuno ni Lieutenant General Palafox.
Sinabi nito na ang SOLCOM ay hindi lamang sangkot sa paglaban sa paghihimagsik kundi maging sa pagpapatrolya sa mahigit 15,000 nautical mile at pagbabantay sa libu-libong sasakyang pandagat na pumapsok sa hurisdiksyon ng bansa.
Nangako si Speaker Romualdez sa SOLCOM na maghahanap ito ng dagdag na pondo upang matapos ang kanilang ipinatatayong imprastraktura gaya ng administrative building at iba pang support facilities.