-- Advertisements --

Nagpasalamat si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pangako ng isang malaking grupo ng rice traders na makikiisa upang mapababa ng P9 ang kada kilo ng bigas sa susunod na buwan.

Ang hakbang ay bilang pakikiisa sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. , sa hangarin na maging abot-kaya ang presyo ng bigas sa merkado.

Ayon sa grupo ng local traders, mabibili ang bigas sa pagitan ng P42 hanggang P49 kada kilo sa pagpapatupad ng mas mababang taripa sa imported na bigas.

Sa pagtaya, inaasahang ang presyo ng bigas pagsapit ng Hulyo at Agosto ay nasa P45-P46 ang kada kilo ng well-milled rice na kalimitang kinokonsumo ng mga ordinaryong Pilipino samantalang ang premium rice na 5 percent broken ay nasa P47 hanggang P48 ang halaga.

Kabilang sa dumalo sa pulong sa pagitan ni Speaker Romualdez sina Rowena Sadicon, ang founder at lead convenor ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) at co-founder Orly Manuntag na siya ring tagapagsalita ng GRECON (Grain Retailers Confederation of the Philippines).

Ipinabatid nina Sadicon at Manuntag sa mga kongresista na ang kanilang hakbang ay bilang tugon na rin sa panawagan ni Pangulong Marcos Jr., at Speaker Romualdez na sama-samang tugunan ang problema ng mataas na presyo ng bigas.

Sinabi nina Sadicon at Manuntag na nagkasundo ang kanilang mga kasapi na iparamdam sa publiko ang pagbaba ng presyo ng bigas kapag naipatupad na ang mas mababang taripa.

Mula nang tumaas ang presyo ng bigas sa mahigit P50 kada kilo noong nakaraang taon, masigasig na naghahanap ngsolusyon ang pamahalaan upang gawing mas abot-kaya ang bigas. Kasama sa mga pagsisikap ang pag-aaral ng mga pagbabago sa patakaran, pakikipag-ugnayan sa mga sektor ng industriya, at pagpapatupad ng mga programang nagpapatatag ng merkado. 

Personal ding ininspeksyon ni Speaker Romualdez ang mga bodega noong nakaraang taon upang makita ang mga nakaimbak na bigas. Ang hakbang ay upang malaman kung may nagtatago ng suplay, at mailabas ito sa pamilihan para maibsan ang kakulangan at mapababa ang presyo. 

Kamakailan ay naglabas naman ng Executive Order No. 62 ang Pangulong Marcos, na nagbaba sa buwis na ipinapataw sa imported na bigas sa 15 porsiyento mula sa dating 35 porsiyento. 

Binigyan diin pa ng pinuno ng Kamara na ang pagbaba ng taripa sa inaangkat na bigas at ang direktang pagbebenta ng pamahalaan ng inaangkat na bigas sa pamamagitan ng mga Kadiwa center ay dapat na magpababa nang malaki sa retail na presyo ng bigas.

Sinabi pa ni Speaker Romualdez, na ang pagsisikap na ito ay naaayon sa layunin ng administrasyon na gawing abot-kaya at accessible ang mga pangunahing pagkain para sa lahat ng Pilipino.

Bago pa man ang direktiba ng Pangulo, nakipagpulong na rin si Speaker Romualdez sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan, at stakeholders upang makabuo ng komprehensibong paraan upang malunasan ang mataas na presyo ng bigas.

Tiwala rin ang mambabatas na ang mababang taripa ay makatutulong na mabawasan ang presyo ng imported rice, habang ang matitipid na halaga ay mapapakinabangan ng mga mamimili.

Binigyang-diin pa ni Speaker Romualdez ang agarang tugon na maibaba ang presyo ng bigas, na araw-araw na pasanin ng mga Filipino.
Tiniyak din ng lider ng Kamara de Representantes ang suporta ng pamahalaan sa mga lokal na magsasaka upang mapabuti ang kanilang produksyon, lalo’t may sapat na pondo ang gobyerno upang maipatupad ang mga programa. 

Ayon kay Rep. Co, may P22 bilyon ang nakalaang pondo rito ng pamahalaan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund.  

Bukod pa rito, binanggit din ni Speaker Romualdez ang pangmatagalang programa ng pamahalaan upang sumigla ang local rice production tulad ng solar irrigation, fertigation, at pagsasama-sama ng flood control funds para magamit sa irigasyon, hydro-power at bulk water.

Dagdag pa rito, sinabi ni Lacson na patuloy din ang NFA sa pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka sa kompetitibong presyo na mula P29 hanggang P31 kada kilo upang mabawasan ang posibleng negatibong epekto ng mas murang imported na bigas.