Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang tuloy-tuloy na suporta at pagbibigay ng benepisyo sa mga magsasaka sa lalawigan ng Quezon.
Sa kanyang pagharap sa Agriculture Convergence Event na ginanap sa Tiaong, Quezon, ipinakita rin ni Speaker Romualdez ang mataas na pagtingin nito sa mga magsasaka.
Si Speaker Romualdez, ay inimbita sa event ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez kung saan nagsagawa rin ng payout ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) program ang Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang inisyatiba at mga hakbang na ginagawa ng Kamara, ayon kay Speaker Romualdez ay tugon sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maitaas ang antas ng sektor ng agrikultura at mapaganda ang buhay ng mga Pilipino.
Ang highlight ng pagtitipon ay ang pamimigay ng ayuda sa halos 4,000 magsasaka sa ilalim ng TUPAD sa isang simpleng seremonya sa Tiaong Convention Center.
Ayon sa lider ng Kamara ang pamimigay ng ayuda ay isang pagkilala sa kahalagahan ng sektor ng agrikultura na siyang naglalagay ng pagkain sa hapag ng pamilyang Pilipino.
Ayon kay Speaker Romualdez mayroong mga inihahandang ayuda ang administrasyong Marcos para sa mga magsasaka at kinilala ang Quezon bilang ika-anim na pangunahing crop producer sa bansa.
Ayon kay Speaker Romualdez nakikipagtulungan ang kanyang tanggapan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matulungan ang mga magsasaka ng Quezon sa ilalim ng Farmer’s Assistance for Recovery and Modernization (FARM) program.