Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez ang suporta ng Kongreso sa real estate sector sa pagtataguyod at higit pang pagpapalago sa industriya na aniya’y ay mayroong mahalagang papel sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Sa kanyang mensahe sa 25th Anniversary Gala ng RE/MAX Philippines iginiit ni Speaker Romualdez ang kontribusyon ng real estate sector sa katatagan, pag-unlad, at pagbibigay ng mga oportunidad sa mga pamilyang Pilipino.
Ayon sa kanya, ang pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng RE/MAX ay isang makasaysayang okasyon na hindi lamang nagtatampok ng kanilang mahabang kasaysayan sa industriya, kundi pati na rin ang kanilang legasiya ng kahusayan at pamumuno sa sektor ng real estate.
Binati rin ni Speaker Romualdez ang RE/MAX Philippines sa kanilang natatanging mga tagumpay sa global stage at pinuri sina Eddie Santos, Jun Camcam, at Marissa Garcia na napabilang sa mga nangungunang global brokers sa ginanap na RE/MAX R4 2025 Convention sa Las Vegas kamakailan.
Panawagan din ni Speaker Romualdez sa mga propesyonal sa industriya na patuloy na hubugin ang kalagayan ng real estate sa bansa.