-- Advertisements --

Muling pinagtibay ni House Speaker Romualdez ang pangako ng House of Representatives na maglaan ng sapat na pondo at malinaw na mga patakaran para sa modernisasyon ng depensa ng bansa.

Ito ay alinsunod hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na magkaroon ng estratihikong pangseguridad ang Pilipinas.

Naniniwala umano si Speaker Romualdez na ang pagkakaroon ng matatag na pambansang depensa ay makakatulong sa paglikha ng isang matatag na kapaligiran para maka-akit ng mas maraming mamumuhunan at mapasigla ang paglago ng ekonomiya ng bansa na lilikha ng mas maraming trabaho at makakatulong para maiangat sila mula sa kahirapan.

Muling nanawagan si Speaker Romualdez sa mga Pilipino na patuloy na magkaisa sa pagtataguyod ng soberanya ng bansa at pagdepensa sa integridad ng ating teritoryo.

Samanatala, pinuri ni Speaker Romualdez ang pinakabagong serye ng mga military exercise ng mga tropa ng Pilipinas at Estados Unidos na magpapalakas umano sa kakayanan ng dalawang bansa.

Sinabi ni Romualdez na ang mga ganitong pagsasanay ay mahalaga para maging matatag ang kakayahan nating protektahan ang teritoryo at ang ating mga mamamayan.

Kasama sa military exercise ang Marine Exercise (MAREX) 2025, na nagsimula noong Marso 30 at opisyal na magtatapos ngayong Biyernes, Abril 11.

Ang MAREX 2025 ay inorganisa ng Philippine at US Marine Corps, at kinabibilangan ng 179 US Marines, 189 na tauhan ng Philippine Marine Corps, 57 sundalo ng Philippine Army, 11 opisyal ng Coast Guard, at 40 reservist. Ang pagsasanay ay nakatuon sa mabilisang pagtugon sa mga isyu sa karagatan, cpunter-landing operations at depensa sa baybayin.

Pinapurihan ni Speaker Romualdez ang kolaborasyong ito sa pagpapakita ng kapwa puwersa sa kanilang hangarin na panatilihin ang seguridad sa ndo-Pacific region, na isang pamumuhunan sa kahandaan at pagitiwala.

Kasabay nito ay isinasagawa rin ang “Salaknib” isang salitang Ilokano na nangangahulugang “kalasag” sa ilalim ng pangangasiwa naman ng Philippine Army (PA) at US Army Pacific (USARPAC).

Ang Unang Bahagi ng Salaknib ay mula Marso 24 hanggang Abril 11, samantalang ang Ikalawang Bahagi ay nakatakdang isagawa mula Mayo 19 hanggang Hulyo 20.

Bahagi ng pagsasanay ng Salaknib ang sistema ng komunikasyon, live fire ng field artillery, sling load helicopter operations, at medical evacuations.

Pabibigay diin ni Speaker Romualdez na ang MAREX 2025 at Salaknib joint exercises ay idinisenyo upang palalimin ang kahandaan at kooperasyon sa depensa, at hindi layuning mag-udyok ng alitan.

Giit ni Speaker Romualdez, mahalagang bahagi ng parehong pagsasanay ang mga kasanayan sa humanitarian assistance, pagtugon sa sakuna, at pagpapanatili ng kapayapaan.