Wala umanong kinalaman si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isinusulong na people’s initiative (PI) upang amyendahan ang 1987 Constitution.
Ito ang paglilinaw ni ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo.
Sa isang panayam sinabi ni Tulfo na walang instructions sa mga kaalyadong mambabatas ang lider ng Kamara hinggil sa isinusulong na amyendahan ang saligang batas.
Ayon kay Tulfo may mga grupo ang nag-aakusa kay Speaker Romualdez na siyang pasimuno sa nasabing hakbang.
Sinabi naman ni dating Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr., dating chairman ng House Committee on Constitutional Amendments, na ang Albay chapter ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ang nagsulong ng people’s initiative sa kanilang probinsya.
Ayon kay Garbin naimbitahan siya ng LMP-Albay chapter sa pagpupulong bilang dating chairman ng House committee on constitutional amendments.
Kamakailan ay ikinonsidera na ng mga senador ang pag-amyenda sa Konstitusyon. Ang pag-amyenda sa Saligang Batas ay isinusulong na ng Kamara noon pang 8th Congress.