-- Advertisements --

Hinamon ng Anti-communist groups at ilang civil society organizations si House Speaker Lord Allan Velasco na matapang nitong gampanan ang pagiging lider ng House of Representatives at imbestigahan ang mga mambabatas ng Makabayan Bloc na ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ay front ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon sa League of Parents of the Philippines (LPP), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Hands Off Our Children (HOC) at grupong Yakap ng mga Magulang, ang Kamara at hindi ang Senado ang may hurisdiksiyon sa Makabayan Bloc kaya naman hinihintay ng publiko ang aksiyon ni Velasco sa patuloy na pagtanggi ng mga progressive congressmen na wala silang koneksiyon sa communist groups.

Giit ni LPP Chair Remy Rosadio na bago pa man maging tapagtanggol ng Makabayan Bloc si Velasco ay mayroon itong sinumpaang tungkulin sa bayan.

“Kung noong una ay ipinagtanggol ni Speaker Velasco ang Makabayan Bloc sa red tagging at sinabihang walang ebidensya si General Parlade sa akusasyon nito, ngayon sana na may malinaw nang ebidensya ay gampanan nya ang kanyang pagiging lider,” paliwanag ni Rosadio.

Sinabi din ni Gemma Labsan, Founder ng Hands Off our Children na nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang Non Governmental Organizations(NGOs) mula sa iba’t ibang sektor para kalampagin ang Kamara na umaksiyon laban sa Makabayan Bloc.

Aniya, may kapangyarihan si Velasco na makapagsagawa ng imbestigasyon subalit nakapagtatakang hindi niya ito ginagawa sa kabila na rin ng malinaw na pronouncement ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaugnayan talaga ng progresibong mga mambabatas sa makakaliwang grupo.

“May basehan ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban sa Makabayan Bloc,treason ang sinasabing kaso nila sa pakikipagsabwatan sa kalaban ng gobyerno, ang tanong ng lahat ay ano ang ginagawa ni Speaker Velasco,ang aming tanong ay Nasaan sya? Bakit hindi kumikilos ang Kamara?,” giit pa ni Labsan.

Giiit ng grupo, isang House inquiry ang kailangan para mailantad ang katotohanan laban sa kung ano ang ginagawa ng Makabayan Bloc sa Kongreso.

Ani Labsan, kung hindi aaksiyon si Velasco ay hindi matitigil ang recruitment sa mga kabataan sa NPA.

“Wala itong personalan kay Speaker Velasco, nagkataon lamang na sya ang House Speaker, ang aming panawagan ay maging lider sya, ang imbestigasyon ay ang syang hinihingi ng lahat kaya walang dahilan para hindi ito gawin,” paliwanag pa ni Labsan.

Ipinanawagan din ng grupo na sa oras na mag-imbestiga ang Kamara ay isapubliko ito.

Sa ganitong paraan ay mamumulat daw ang mga kabataan sa tunay na dahilan kung bakit nagkakaroon ng recruitment ang makakaliwang grupo.

“Hinahamon namin si Speaker Velasco na magsagawa ng imbestigasyon sa ethics committee at patalsikin na sila bago mahuli pa ang lahat,” giit pa ni Rosadio.

Naniniwala ang grupo na hanggang nasa Kamara ang Makabayan Bloc ay magagamit nila itong platform para sa kanilang recruitment kaya malaki ang nakaatang na responsibilidad kay Velasco na wakasan ito.

“Kay Speaker Velasco, marami ang madidismaya sa inyong leadership kung wala kayong gagawin at manonood lang habang marami ang nakikipaglaban na wakasan na ang atrocities at pagpatay sa mga inosente na ginagawa ng mga rebeldeng komunista,” pagtatapos pa ni Rosadio.

Ang ugnayan ng Makabayan Bloc sa CPP-NPA ay lalo umanong napatunayan ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana nang mapatay sa naging engkuwetro ng military at rebelde ang bunsong anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Culliamat na si Jevilyn.