-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nais umano ni PDP-Laban (Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan) President Sen. Koko Pimentel na ang kanilang party nominee sa House Speakership race na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang mauna sa term sharing sa pagitan nila ni Taguig- Pateros Rep. Allan Peter Cayetano.

Ito’y matapos na pormal nang inendorso kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang si Cayetano bilang House Speaker ng 18th Congress pero kahati nito sa termino si Velasco.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Pimentel, naniniwala ito na si Velasco ang gusto ng mayorya ng Kamara na maging Speaker kaya bilang pagrespeto sa kagustuhan ng mga kongresista at sa utos mismo ni Pangulong Duterte na term sharing, marapat lamang na ang kanilang party nominee ang maunang magsilbi bilang House Speaker.

Nauna nang inihayag ng senador na bukas sila sa mungkahing term sharing upang matapos na ang nasabing isyu.

Kasabay nito ay muling tiniyak ng opisyal na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maging maayos ang term sharing sa pagitan ng dalawang napiling kongresista.

Kung maaalala, una nang inihayag ni Velasco na ayaw nito sa mungkahi ng pangulo ngunit sinabi ng senador na hihikayatin nila ito upang hindi na lumala pa ang isyu sa House Speakership.